I Now Pronounce You… Tropang X!
(hango sa librong “Alamat ng Tropang Ekis”)
Kampai!!!!! Kampai!!!
Ayos, nagkapangalan na din ang grupo. As usual, pakana yun ni Jordan. Sya kasi ang pinaka-alaskador sa grupo namin kaya sya rin ang nangunguna sa pagbibigay ng alyas at pangalan sa kung anu-ano, mapa-tao man yan o hayop. Hayop.
At eto na nga, andito kami sa loob ng isang VIP room ni Aling Bising, nagpapaka-saya at sempre, Kampai!!! Nagpapakalasing sa kaligayahan. Pinagdiriwang namin ang isang importanteng araw sa buong kasaysayan ng Intramuros.
Hinde. Hindi ito ang araw na sinalvage si Rizal. Saka hindi dito yun, dun yun sa kabilang side nung makapal na pader.
Sa araw na ito, pormal nang nabuo at itinatag ang mala-impaktong samahan na babago sa mga buhay ng mga taga-Letran. Mga nilalang na siguradong matatameme sina Quezon, Samboy, mga Sotto at kung sinu-sino pang mga sikat na alumni ng eskuwelahan.
Intro muna. Ta-dann! Yan ang Tropang X (pronounced as Ekis).
Sa kasaysayan ng Pilipinas at kung saang lupalop pa man, ang pagbibigay ng pangalan sa isang samahan o grupo ay pinag-iisipan ng mabuti, pinag-dedebatehan, pinag-pupuyatan at minsan pinag-bubuwisan pa nga ng buhay. Kadalasan ito ay bunga ng mahabang pakikipaglaban at determinasyon mula sa mga natatangi nitong myembro.
Kaya nga dahil isang linggo na din kaming magkakasama sa mga gimik, kabulastugan at toma, napilitan na din kaming bansagan ang sarili namin. Ang pangalan ng grupo namin ay sooobrang tagal na pinag-isipan ni Jordan. Grabe. Kani-kanina lang.
Kanina kasi, pagkatapos ng isang klase kay Prof. Nuno, bumaba kami sa hagdanan ng main lobby para mag-yosi break. Etong si Omar, palibhasa tadtad ng biton yung bago nyang sapatos, nadulas habang bumababa kami. Patawa talaga kahit kelan. Biruin mo, sa pagkadulas nya, napataas ang paa nya sa ere, at ……..
Dugdugdugdugdugdugdugdug! Nagpatalbug-talbog sya pababa ng hagdanan gamit ang kanyang pwet.
Freeze!, ay Cheese pala!
Na-imagine kasi ni Jordan na pinikturan nya si Omar nung oras na yun. At sa kuha ng kanyang mahiwagang kamera, naka-nganga si Omar habang ang mga kamay nya naka-taas at ang paa naman ay nakabukaka. Bisaklat na bisaklat kaya ang hitsura nya ay animo isang higanteng letter X.
Habang pinipicturan ni Jordan sa isip nya si Omar, kami naman, dedma, kunwari di namin kilala. Kakahiya sa mga chicks. Yukkie, how lampa naman nung mama. How hampaslupa.
Tawa pa rin kami ng tawa habang naka-tambay sa Batibot habang si Omar panay ang masahe sa pwet at galit na galit. Nang humupa ang lahat at balik sa aming mga kanya-kanyang pagaagam-agam, dun humirit si Jordan.
At dahil lahat kami sangkot dito at nakasalalay dito ang reputasyon at kinabukasan naming lahat, kailangang pag-usapan muna naming maigi ang bagay na yun at kelangan lahat kami pumabor sa pangalan.
Kaya nang seryosong sinuggest ni Jordan ang pangalan at tahimik na naghintay sa aming mga komento, “Mga brod, Tropang Ekis?”.
McGyver (nakatingin sa latay nya): “Ok. Pero wag mo kong tawaging brod. Di kita ka-brod.”
Amboy (inaayos ang gulong ng skateboard): “Bahaaala kayo sa buhay nyo.”
Omar (nagkukumpuni ng ngipin nya gamit isang palito ng posporo): “Kahit ano. Pautang pala ng pamasahe.”
Clapton (nagpo-floorwax ng gitara nya): “Ayos lang tsong. Rock on dude!”
Buraot (dedma lang habang nagbibilang ng sasakyan): “Oh yeah? “
Kitkat (alang pakelam): “Geez. Penge ngang yosi.”
Ayos. Wala man lang kumurap, aprubado na kaagad. Parang railroading sa kongreso. Galing talaga ni Jordan.
Kaya, eto ngayon kami, ngongo na sa beer-gin na pilit naming inuubos. At least ngayong araw na ito, me dahilan kami para uminom. Me binyagan.
Kung inaakala mo, me matinding dahilan o medyo highly philosophical na rason sa likod ng pangalang Tropang Ekis, sorry tsong. Akala mo lang yun. Kaya kung meron man kaming napatawa o napahanga man, nagkataon lang yun. At kung nabitin ka sa inaasahan mong mala-impaktong rason, sensya na. Sabi nga, the image preceeds us. Ganun talaga. Naks.
Regular lang kaming mga kupaloids sa Letran. Ang mahalaga sa amin hindi ang pangalan, kundi ang pinagsamahan (Sorry hindi San Miguel ang iniinom namin. Beer na Beer dahil tipid sa budget).
Kaya ang mabuti pa, kung masama loob mo, iinom mo na lang yan. Ngayon, alam mo na? Kampai!!!!!!!!!
This entry was posted on Monday, October 1st, 2007 at 3:10 am and is filed under TROPANG EKIS. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0 feed. You can leave a response, or trackback from your own site.























