Laglagan Na!

October 13th, 2007 by BURAOT Categories: Iskul Bukol No Responses

Hindi mo ba nahahalata, puro tungkol sa mga titser ang pino-post ko?

Kasi kokonti lang sila kumpara sa mga naging kaututang dila ko sa kolehiyo at maging nung umalis na ako sa kolehiyo at nagsilbi na sa bayan.

Kung inaakala mo ligtas ka na, abang ka lang muna tol. Inuuna ko lang kasi ilaglag yung mga titser natin. Pagkakataon ko na itong bumawi. Hehehehe. Nyeheheh.

Di ko naman talaga ilalaglag. Inuuna ko lang talaga ipakilala yung mga titser na naging parte na ng buhay natin noong bata-bata pa tayo.

Sila ang mga nagsilibing mga gabay sa ating pagiging mabuting tao, mga sagabal sa ating mga plano, mga pang-asar sa ating mga iskedyul, mga seksing titser na minsan ay binobosohan natin (hu, kunwari ka pa! wag ka na magmalinis), mga nilalang na paborito nating asarin, kutyain, minsan ay pagtawanan at lait-laitin dahil sa kanilang style ng pananamit, at taste sa mga kung anu-anong kaek-ekan.

Pero sa kabila ng alta-presyon na idinulot natin sa kanila, mahabang working hours at mababang sahod, andyan pa rin sila. Palakpakan naman dyan!

Sila ay ating mga naging kaibigan, mentor at coach, kuya, ate, nanay at tatay. Kung ang ilan sa kanila ay naging mortal na kaaway natin sa eskwelahan, sila rin naman ay naging mga inspirasyon din.

At sempre pa, itatago ko ang tunay nilang pangalan para na rin sa kanilang sariling kapakanan bilang tagapagbigay ng gabay sa mga kabataan. Saka isa pa, baka mamaya maging titser din yun ng mga anak ko, yariin si dayunyor. Ano ko, bale?

Ngayon, kung sakaling me malimutan ako sa inyo mga sir, mga ma’am, paki shout lang po ako para maisama ko kayo. Nang sa gayon po eh mapadalhan ko kayo ng libreng kopya ng libro, hane?

Get Adobe Flash playerPlugin by wpburn.com wordpress themes