Kapre sa Sampalok Tree
Thursday, October 30th, 2008
Madalas kapag wala kaming mapagtripan, kawawa yung mga dumadaan sa me amin. Kasi nga, yung mga bahay namin eh katabi lang ng kampo santo, madalas kami tumambay dun sa kanto dun.
Yun pa namang daan sa kanto na yun, sya lang ang tanging daan papunta dun sa isang barrio sa amin na kung tawagin ay Kanipisan. Kung anuman ang manipis dun sa baryo na yun, di ko na inalam. Kaya kung me taga-dun na medyo ginagabi, wala syang choice kundi dumaan sa lumang sementeryo.
Sa tapat ng sementeryo, me isang malaking puno ng sampalok. Sa sobrang laki ng puno, ang mga dahon nya ay halos nakapayong sa daan hanggang sa kabilang kalsada kung saan andun ang sementeryo. Kapag medyo sawa na kami kakapangas ng tarabugok, sampalok naman ang titirahin namin.
Sa gabi, aakyat kami dun at mag-aabang ng mga dadaan. Me dala na kaming asin para sawsawan at sopdrink na naka-plastic para solb na solb. Sempre dun na din kami magyoyosi. Kapag gabi at medyo naiinip kami, ito ang gagawin naming libangan, lalo na at malapit na ang undas.
Pag me kawawang dumaan, babatuhin namin ng buto ng sampalok. Ang kawawang pobre, sempre titingin kung saan nangggagaling yung bato. At sempre dahil gabi na at sa sobrang laki ng puno at kapal ng dahon ng sampalok, usok lang ng mga yosi namin ang makikita nya. Kaya di nya malaman kung tao nga ba o kapre ang nasa sa itaas ng puno.
Problema lang sempre, kahit na natatawa na kami, di kami pwedeng humagikhik kasi mabibisto kami.
Wala namang gagawin yung dumadaan kundi mag-ala Lydia de Vega. Kundi ka ba naman eng eng, san ka ba naman nakakita ng kapre sa puno ng sampalok?
Minsan naman, pag ngawit na kami magkakawag dun sa puno ng sampalok, dun namin kami sa ibabaw ng
mga pantyon (nitso).
Dun sa mga bukas na nitso, kukuha kami ng bungo. Lalagyan namin ng kandila sa ibabaw at lalagyan namin ng tali sa magkabilang side. Kapag me dadaan, sisindihan namin yung kandila at hihilahin namin yung bungo na parang lumulutang sa daan.
Sayang kasi wala pa kasing videocam nung panahon na yun. Malamang kasi maihi ka rin sa kakatawa tuwing makikita mong nagkakandarapa silang tumakbo sa takot. Yung iba nga napapasigaw pa sa sobrang tuwa.
Sempre nga naman, di mo na kelangang pumunta sa perya para pumasok sa horror train.


























